Hindi pala. Gusto pa niyang lumaban ulit. Kaya pinag-uusapan na ngayon ang panglimang Pacquiao-Marquez fight. Baka sa Abril daw.
“I am going to rest and come back to fight. I would go for a fifth,” sabi niya sa interview sa kanya sa Las Vegas isang araw bago siya pinatumba ni Marquez.
Naloko na. Gusto yata maging gulay. Anhin niya ang kanyang bilyunes kung gulay naman siya.
Sabi ni Ronnie Nathanielsz, sports analyst, na delikado sa edad ngayon ni Pacquiao (magiging 34 siya sa Disyembre 17) , ang magpapatuloy sa boksing, isang sports na talagang bugbog ang katawan.
Sabi ni Nathanielz kapag tinitingnan niya ang coach ni Pacquiao na si Freddie Roach na dati ring boksingero at ang dating heavyweight champion na si Muhammad Ali, parehong may Parkinson’s disease, natatakot siya para kay Pacquiao.
Siguro nga mahirap niya tanggapin ang kanyang pagka-knockout. Sana man lang desisyun. Hindi e. Tumiklop muna siya bago sumubsub. Sabi ng isa sa Facebook: “Nag-planking na lang si Paquiao.” Uso kasi ngayon ang planking. (Ang planking ay isang exercise na nakadapa pero nakataas ang puwit. Ginagawa din ng mga aktibista ang planking sa kalsada kung gusto nila harangin ang mga sasakyan sa kalsada.)
Mga isang minuto rin bago nakabangon si Pacquiao. Nawalan yata siya ng malay sa lakas ng suntok ni Marquez. Kaya marami ang nag-alala na baka apektado ang utak. Sabi sa report okay naman daw ang resulta ng brain scan.
Siguro mahirap para kay Pacquiao na magretiro na talo siya dahil yun palagi ang iisipin ng mga tao at sa mga artikulo sa kanya yun palagi ang babanggitin.
Maganda sana kung ang huling laban niya ay panalo siya. Kaya dapat noon pa siya nagretiro. Matagal nang sinasabi sa kanya ng kanyang inang si Mommy Dionisia.
Ang problema kasi kapag sikat ka, napaligiran ka ng mga sipsip na Diyos ang turing sa iyo. Lalo pa ang mga oportunista na kumikita ng limpak na limpak na salapi tuwing laban ni Pacquiao.
Kaya akala ni Pacquiao superman siya. Kaya niya gawin ang gusto niya.
Gusto niya kumanta, nagku-konsyerto siya kahit hindi naman talaga maganda ang boses at ang pangit naman niya kumanta. Pinapalakpakan naman kasi.
Kongresman siya kahit na panay naman absent niya. Ngayon, pasok din sa pulitika ang asawang si Jinkee at ang kanyang kapatid. Sa isip niya, kaya nila lahat yan dahil lumalangoy sila sa pera.
Ganyan ang epekto ng kasikatan at sobrang daming pera.