Hindi naman siguro tanga si Justice Secretary Leila de Lima para hindi niya maisip kung bakit pilit na gusto makipagkita sa kanya si Janet Napoles at gusto kumanta.
Maraming pagkakataon si Napoles na magsabi ng buong katotohanan tungkol sa panloloko at pagnakaw ng bilyun-bilyon na pera sa taumbayan ngunit hindi niya ginawa. Nang dumalo siya sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committtee, wala siyang sinabi. Puro wala siyang alam samantalang nanumpa siya na magsabi na buong katotohanan. “Nothing but the truth,” sabi sa kanyang oath.
Iba na raw ang kuwento ni Napoles nang binisita ni De Lima sa Ospital ng Makati. Nagdawit pa raw siya ng maraming senador at congressman. Merong may nagsabi na 19 na senador daw ang sa kanyang affidavit, meron namang nagsabing 12.
Ngunit hindi raw nila pinag-usapan ang pagiging state witness ni Napoles.
Sinong tanga ang maniniwala na kakanta si Napoles na walang kapalit? Konsyensya daw.
Ginu-goodtime lang tayo nito. Pumayag naman si De Lima sa drama. Halata namang nagta-trial balloon lang sila.
Mabuti naman at umalma ang publiko. Kasi naman kung gawing state witness si Napoles kapalit ng kanyang pagsabi ng katotohanan kuno tungkol sa raket ng PDAF (Priority development Assistance Fund), idi-dimis na lahat na kaso laban sa kanya.
Ang swerte naman niya kung mangyayari yan. Limpak na limpak na salapi na ang kanyang nakuha sa taumbayan. Nakabili na ng maraming ari-arian kasama pa ang isang hotel sa Amerika. Hindi lang siya, pati na rin ang kanyang mga galamay kasama na doon si Ruby Tuason at si Dennis Cunanan, na kumita na rin ng husto.
Magandang raket yan at sigurado marami ang gagayq. Magnakaw ng husto. Dapat malakihan kasi kapag maliit, baka mabulok ka sa kulungan. Isama mo ang mga malalaking tao rin. Kapag nagpalit ng administrasyon at mahuli ka, kumanta ka at libre ka na. Kumita ka ng bilyun-bilyon na walang pagod.
Kaya tama ang sabi ni Sen. Antonio Trillanes IV na kung gusto ng pamahalaang Aquino gawing state witness si Napoles (kahit na tagilid ito sa batas dahil isa siya sa may malaking papel sa anomalya), kailangan ibalik niya ang kanyang ninanakaw. Umabot daw sa P10 bilyun ang nawalang pera na dapat ay napunta sa mahihirap na Pilipino. Dapat ibalik niya yan. Baka P10 milyun lang ang ibabalik niya.
Sabi ni Trillanes:”Definitely may conditions, like isosoli mo lahat ng ninakaw mo. Pangalawa, kailangan hindi ka magpipigil. I believe this thing should not be looked solely at the legal perspective kasi merong greater interest of the state na kailangan nating malaman kung sino talaga ‘yung mga kakontsaba niya, mga ka-partners niya in crime. Kasi imagine this, if we would be a stickler to what the law says, sige hindi siya pwedeng candidate for state witness as defined, pero hindi mo na naman nakita kung sino ‘yung mga senador at mga congressman na involved. So they’re still out there. They’re crafting policies. They’re probably committing acts of corruption still. ‘Di ba mas maganda na sigurong mas makita natin ‘yun, na ito siya, pagbigyan na natin.”
Sa “hindi magpapapigil”, ang ibig sabihin ni Trillanes, dapat buong katotohanan sabihin niya. Hindi pwedeng pipiliin lang niya kung sino ang didi-in niya.
Kaya balik tayo sa bakit ba kailangan pa si Napoles para maging state witness. Akala ko ba malakas na ang kaso laban sa tatlong senador – Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bong Revilla – at iba pang akusado.
Di ba sabi ng Ombudsman may basehan na ang kasong plunder at paglabag ng anti-graft law sa mga testimonya nina Benhur Luy at ng kanyang mga kasamahan? At ano ngayon ang mangyayari sa kaso ni Luy laban kay Napoles na illegal detention?
Ano ba ang nangyayari? Nakakaduda na ha. Mukhang ginugulo na lang. Bakit sumasakay si De Lima?