Siguro naman seryoso si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang pag-sponsor ng mga batas na ipangalan sa maa magulang ni Pangulong Aquino ang dalawang kalsada doon sa Panay.
Ang dalawang batas ay ideya ng mga kongresista na sina Arcadio H. Garriceta, Ronald M. Cosalan, Jerry P. Treñas, Arthur R. Defensor Jr., Neil C. Tiupas, Oscar “Richard” S. Garin Jr., atd Hernan G. Biron Jr. na nakasaad sa House Bills HB 4400 at HB 4398.
Nakasaad sa HB4400 na ipapangalan kay dating Pangulong Cory Aquino ang apat na lane na circumferential road simula sa kanto ng Iloilo-Dumangas Coastal Road sa Balabago, Jaro District, Iloilo City, papunta sa Buhang, Jaro, Tacas, Jaro at UngKa II, Pavia hanggang sa Mandurriao District, Iloilo City-Pavia-San Miguel . Aabot ang kalsada sa malapit Arevalo District sa Iloilo-Antique Road . Magiging “President Cory C. Aquino Avenue” ang kalsada.
Sa HB 4398 naman, gagawing “Senator Benigno S. Aquino Jr” Avenue ang buong haba ng national highway sakop ang Iloilo Diversion Road/Iloilo Capiz Road na nagsisimula sa kanto ng General Luna hanggang sa gate ng Iloilo International Airport. Dadaan ang kalsada sa bayan ng Pavia, Sta. Barbara, Cabatuan, at Iloilo City.
Hindi lang naman ang mga magulang ni Pangulong Aquino ang nasa-isip ni Sen. Marcos. Inisip din niya ang ang kanyang tiyo na si Benjamin “Kokoy” Romualdez, dating gubernador ng Leyte at ambassador ng Pilipinas sa United States.
Ipinasa sa mababang kapulungan ang HB 1042 na ginawa nina Conmgressman Ferdinand Martin G. Romualdez at Ronald M. Cosalan.
Ayun daw kasi sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), maaring ipangalan sa mga kalsada na may “historical and cultural significance” ay makadagdag sa ating pagpahangala ng ating pagmamahal at pagmamalaki sa bayan. Kailangan daw hindi bababa sa sampung taon nang namayapa ang taong bigyan ng dangal sa pagpapangalan sa kanya ng kalsada.
Sorry, hindi pa tayo magkakaroon ng Kris Aquino Boulevard o Bimby Aquino Yap Boulevard.
Kamakailan lang inaprubahan na ang House committee on public works and highways na palitan ang pangalan ng North Luzon Expressway (NLEx) ng President Corazon C. Aquino Expressway (CAEX).
Sa Bicol naman,sabi ni Public Works Secretary Rogelio Singson na ang ginagawa nilang highway sa Camarines Norte ay magiging “President Cory Aquino Boulevard.”
Hindi lang kalsada ang ipinapangalanan sa mga magulang ni Pangulong Aquino. Ipinangalanan din ng Museum of National History of the University of the Philippines-Los Baños (UPLB) ang bagong species ng langgam na kanilang nadiskubre sa kagubatan ng Palawan kay dating Pangulong Cory Aquino.
Kulang pa yata yan. Palitan na lang kaya natin ng dilaw ang ating watawat.