Kung hindi niya pinirmahan yun, magiging batas rin naman ang bill by default. Ngunit maganda na pinirmahan niya. May tatak na personal siya doon sa batas.
Mag-isang buwan na ang bill na yan sa Malacañang, isang malaking bagay rin na nakarating dun dahil katagal-tagal na yan na i-file. Anim na Congresses na ang nakalipas at ngayon lang naka-usad at nai-pasa sa House of Representatives at sa Senado.
Sa kanyang pagpirma malapit sa deadline, pwedeng nagbigay na rin si Aquino ng mensahe sa military na alam niya ang kanilang agam-agam at hahanapan ng paraan na magkaroon ng pagkaintindihan ang mga pwersa na ngayon ay magkasalungat ngunit pareho naman ang adhikain: kapayapaan at kaunlaran ng bansa.
Dahil sa Republic Act No. 10350, krimen na ang pagdukot ng kung sino man ng isang tao at basta na lang i-erase dito sa mundo.
Dati kasi nang wala pa itong batas, kapag dinukot mo ang isang tao, kapag hindi na makita, walang krimen na maisampa sa suspect. Hindi pwedeng murder dahil ano naman ang pruweba ng pagpatay dahil walang katawan?
Sa kaso ng anim na mga trabahador sa PICOP sa Agusan del Sur na nawala at ang sangkot ay miyembro ng military,ang kasong naisampa ay kidnapping. May witness na nakakita ng pagdukot. Hanggang doon lang.
Maraming bagay ang nangyayari sa mundo na hindi makatao. Ngunit ang Enforced Disapperance o sapilitan na pagkawala ay ang pinaka-masakit.
Katulad na lang sa kaso ni Jonas Burgos, ang aktibistang anak ni Jose Burgos na kilalang nanlaban para tayo magkaroon ulit ng kalayaan sa pamamahayag. Ganun din ang kaso nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno ,mga estudyante ng University of the Philippines na basta na lang nawala pagkatapos sila kinuha ng mga suspetsadong mieymbro ng military habang gumagawa sila ng outreach program sa Central Luzon.
Kahit na ilang taon mo na silang hindi nakita, hindi mo basta-basta tatanggapion na patay na sila. Sabi nga ng tatay ni Daryl Fortuna, isa ring estudyanteng desaparecidos, paano mo ipagdiwang ang kanyang birthday?
Kapag All Soul’s Day. Titirik ka ba ng kandila? Saang puntod?
Ang normal na cycle o pag-ikot ng buhay ay ipanganak ang isang tao, mabubuhay, at mamamatay. Hindi ka lang basta mawawala.
Magandang Christmas gift sa mga pamilya ng mga desparecidos at sa sambayanang Pilipino ang pagpirma ni Pangulong Aquino ng batas laban sa Enforced Disappearances.
Maligayang Pasko sa lahat!