Maganda naman at buhay na buhay pa rin ang tradisyun ng simbang gabi, ang misa sa medaling araw. Paglabas mo ng simbahan, nandiyan ang puto-bumbong at bibingka.
Dito sa Manila, kape ang mainit na inumin. Three-in-one na. Sa probinsiya, salabat. Yung may kaya, tsokolate na malapot kasama ng ibos-suman at mangga. Ang sarap. Tamang-tama sa malamig na simoy ng hangin.
Ang ginagawa pa namin noon, nagsisindi ng mga naipon na basura na kadalasan ay dahon ng mga puno. Upo kami doon sa paligid ng apoy at magkwentuhan habang umiinom ng salabat o kape. Ang kape doon, kung hindi barako, kape ng bigas.
Sana ang ating Department of Tourism, makipag-ugnayan sa ating mga lokal na pamahalaan na hindi lamang ipagpatuloy ang simbang gabi kung di buhayin ang mga magandang kaugalian para sa mga kabataan.
Pasko na talaga dahil grabe na ang trapik.
Noong Biyernes, talagang usad pagong ang mga sasakyan. Araw kasi ng sweldo. Yun ang hinintay ng marami para makapag Christmas shopping. Tapos, marami ding Christmas party.
Sa susunod na mga araw, sigurado ganun pa rin katindi ang trapik. Hanggang bagong taon na yan dahil pagkatapos ng Christmas, tuloy pa rin ang shopping at outing gamit ang mga napamaskuhan.
Ganyan lang talaga ang buhay. Kahit mahirap, marunong naman tayo magsaya kahit papaano.
Habang tayo ay nagdidiwang ng kapaskuhan, isipin natin ang mga biktima ng bagyong Pablo. Kung may maibigay, pwede tayong mag-share. O sa mga nanganga-ilangan na ating nakikita o nasasalubong sa araw-araw natin na buhay.
Ingat tayo sa pagsa-shopping. Naglilipana ang mandurukot.
Talagang hindi nawawala ang mga taong masama ang budhi. Huwag maniniwala sa mga kumakalat ng text na nanalo kayo sa kung anong promo. Noong isang buwan may natanggap akong text na nanalo daw ang aking cellphone number ng P950,000 at bahay at lupa pa sa Camelia Subdivision, kasama daw sa Handog-Pabahay sa OFW ni Sen. Manny Villar.
Nagtaka naman ako dahil, hindi ako OFW. Pinadala ko sa information officer ni Villar na si Jan Mata ang text at sinabi kong kukulektahin ko na ang aking panalo.
Tinawagan ako ni Jan. Sabi niya, kung mamimigay si Villar ng lupa’t bahay at ganung kalaking pera, hihingi na rin siya.
Nagpalabas tuloy sila nitong babala na huwag maniwala sa nanloloko na text dahil walang ganung raffle draw o contest:
“The Villar Foundation warns the public about text scams that continue to circulate that use its name. The foundation does not have any ongoing raffle draws/contests nor does it have a cash assistance program. Please ignore any text messages claiming you have won in such, because those are certainly scams.”
Ingat.