Sa cabinet meeting noong Biyernes, inanunsyo ni Aquino na hindi niya tatanggapin ang resignation na inihain ni Budget Secretary Butch Abad kahit sinimplang sila ng malakas (13-0, unanimous, walang nag-disagree) ng Supreme Court sa hindi naayon sa Constitution na Disbursement Acceleration Fund o DAP.
Sabi ni Aquino:“I have decided not to accept his resignation. To accept his resignation is to assign to him a wrong and I cannot accept the notion that doing right by our people is wrong. (Nagdesisyun akong hindi tanggapin ang resignation niya. Kung tanggapin ko ang resignation niya, ibig sabihin noon, may ginawa siyang mali. Hindi ko matanggap ang sinasabi na ang paggawa ng tama para sa taumbayan ay mali.)”
Siyempre palakpak ang miyembro ng gabinete niya . Maliban kay Bise-Presidente Jejomar Binay na miyembro ng cabinet bilang chairman of the Housing Urban Development Coordinating Council.
Ito naman kasing Supreme Court sinabi na labag daw sa Constitution ang ginawa ni Aquino at ni Abad na hinokus-pokus ang budget. Ang pera para sa mga proyekto na inapbrubahan ng Kongreso ay kinuha at ginamit sa ibang proyekto. Mali yun sabi ng Supreme Court.
Ang malaking parte ng bilyun-bilyun pesos nakuha sa pag hokus-pokus ng budget na yun ay napunta sa mga senador at kongresman para sa kanilang kooperasyun sa pagpatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona. Suhol, sa simpleng salita.
Sa doktrina na pinalabas ni Aquino noong Biyernes, basta maganda ang intensyun mo at ginagawa mo ay para sa taumbayan, walang ilegal doon. Anong sinasabing labag sa Constitution? Wala yun. Siya ang presidente at siya ang magsasabi kung ano ang tama.
May reklamo kayo?
Bago kayo sumagot, alalahanin nyo popular siya ayon sa mga survey ng Social Weather Station at Pulse Asia.
Kaya palakpak na lang tayo.
Kaya lang bakit Malacañang lang ang palakpakan?
Palakpakan na rin natin ang New People’s Army sa kanilang pagpatay ng mga sundalo at mga taong nasa paniwala nila ay nagpapahirap sa taumbayan dahil ang kanilang adhikain ay mapalaya ang sambayanang Pilipino sa mapang-api na mga nasa kapangyarihan.
At yung mga bumabatikos kay Ferdinand at Imelda Marcos, magbasa kayo ng kasaysayan. Kaya idineklara ni Marcos ang martial law para maligtas ang bansa sa kumonismo.
At di ba ang mga pinatayo ni Imelda Marcos na mga gusali –Cultural Center, Coconut Palace, PICC (sayang nga ang Film Center gumuho,nalibing tuloy ang mga constructor workers doon) at iba pa ay para yun sa mamamayang Pilipino. Wala siyang masamang intensyun. Ang gusto lang naman niya ay ang “The True, the Good and the Beautiful” di ba?
At palakpakan natin ang mga nagsa-salvage ng mga sukpek kuno sa illegal drugs o bank robbery. Ang pakay daw nila ay peace and order. Wala silang paki-alam kung labag sa batas ang pagpatay ng tao na hindi dinadala sa hustisya.
Ayun sa doktrina ng Tuwid na daan ni Pangulong Aquino, tama yan.
May reklamo?