At kapag pumalpak sila, dapat lang na batikusin sila ng taumbayan na siyang sumusweldo sa kanila.
Nagkaroon ng pangalawang SONA si Aquino noong Biyernes sa Malacañang sa harap ng kanyang mga kaalyado. Nakakatawa. Ito ang sinasabing “preaching to the choir.” Nagse-sermon sa mga taong pareho ang pag-iisip sa kanya.
Todo depensa si Aquino kay Police Chief Alan Purisima na matagal ng binabatikos dahil sa maraming palpak ng mga pulis kasama na ang P25 milyon na pagpapaayos niya ng tirahan ng PNP chief sa camp Crame.
Sabi ni Aquino:: “Kahapon nga po, pinagbibitiw, sa isang pahayagan, sa puwesto si General Alan Purisima, na pinuno ng PNP, dahil daw may mga scalawag sa kanyang hanay. Tanungin ko lang po: Ngayon lang ba lumitaw ang mga scalawags na ito o ngayon lang ba nagkaroon ng scalawags sa ating pong serbisyo? Totoong may scalawag, pero sino po ba ang nakahuli sa mga nang-hulidap sa EDSA? Mga pulis din po. Sa pamumuno ni General Purisima, ang nag-imbestiga, tumugis, at nakadakip sa mga salarin na ngayon ay kinasuhan na, kapwa po nila pulis.”
At sino dapat ang huhuli ng mga kawatan at kriminal? Di ba trabaho ng pulis yun? Alangan ba namang mga sibilyan ang manghuli ng mga kriminal na pulis.
Ang dapat tinanong ni Aquino kay Purisima at sa ibang opisyal niya ay bakit ang mga pulis ang nagnanakaw at nagki-kidnap. Bakit laganap ang hulidap?
Dapat nga pinasalamatan ni Aquino ang sibilyan na kumuha ng litrato ng hulidap sa EDSA noong Septyembre 1 at naglagay sa Twitter at ang mga nagpalaganap ng litrato na yun na siyang naging simula ng imbesigasyon ng Philippine National Police.
Ngayon naglalabasan na ang maraming kaso ng hulidap.At may mga kaso palang iba ang mga sangkot na pulis sa EDSA hulidap. Bakit sila nanatili sa police force?
Sana kung unang taon pa lang ito ng administrasyong Aquino ay pwede na ang kanyang pagtuturo sa administrasyun ni Gloria Arroyo. Sobrang apat na taon na siya sa kapangyarihan. Ano ang ginagawa ng pamunuan ng PNP sa mga nakalipas na apat na taon para magkaroon ng reporma? Anong klaseng tuwid na daan ang itinatahak ng PNP?
Nandito na rin lang tayo sa usapan ng mga gawaing kriminal, ito ang isang sulat na natanggap ko tungkol sa laganap na Akyat Bahay sa Zamboanguita, Negros Oriental.
Sabin g sumulat na huminging huwag banggiting ang kanyang pangalan: “Halos gabi-gabi may inaakyat na mga bahay at ninanakawan. Noong isang gabi ang nabiktima ang aking bayaw. Nakuha ang P15,000 sa kanyang wallet.
“Ang nakakabahala dito ay halos tatlong buwan nan a ganito ang sitwasyun. Ordinaryo daw ang anim na nakawan sa isang buwan. Hindi na nagri-report sa pulis ang iba.
“ Maliit lang ang Zamboanguita at dati ay tahimik ang lugar na ito. Parang binaliktad na ang buhay dito. Ang aking 73-taong gulang na ina ay hindi na nakakatulog sa takot.
“Ganun din ang sitwasyun sa katabing bayan ng Dauin. Laganap ang of Budol Budol.
“Sana magkaroon ng mga check points.”
Dapat siguro itanong ni Purisima sa PNP sa Dumaguete bakit namamayani ang mga kriminal doon.