Bakit kaya hindi nababahala si Brillantes sa mga palpak ng NPO?

An NPO official gives intsructions to NPO employees how to shade sample ballots for testing prior to scheduled testing in violation of BAC rules and procedures that only the BAC chairman should initiate such action together with other members of the committee.

Nakakapagtaka, nakakaduda at nakakabahala ang hindi pagkabahala ng Commission on Elections sa mga palpak na nagyayari sa bidding ng pag-imprinta ng balota na gagamitin sa 2013 na eleksyun.

Inamin ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na palpak ang mga balota na ginawa ng Holy Family Printing Corp, ang pinanalo ng National Printing Office sa pag-imprenta ng 55 milyon na balota para sa 2013 na eleksyun.

Dapat kasi sa testing , isang libo na sample ballots ang gamitin. Noong unang test, Septyembre 12, 2012, walo lang ang dala ng Holy Family. Di ba dapat noon pa lang disqualified na sila dahil ibig sabihin nun, nag-bid sila na hindi pala sila handa gumawa ng trabaho na gusto nila kunin.

Hindi ito basta-basta lang trabaho. Balota ito para sa national na eleksyun. Demokrasya ng bansa ang nakasalalay dito.

Ngunit okay lang sa NPO. Sinubukan nila ang walong sample ballot na dala ng Holy Family. Anim sa walo ay hindi nagkasya sa makita na nabili na ng Comelec- ang Precinct Count Optical Scan machines galing sa Smartmatic.

Paano ngayun yun?

Sobra talaga ang bait ng NPO sa Holy Family . Binigyan ng isang buwan para ayusin ang kanilang trabaho.

Nagkaroon ng pangalawang test noong Oktubre 11, 2012. “Isang libong balota ang ginamit at perfect ayun sa report sa amin,” sabi ni Brillantes.

Ang report ng NPO, pito lang daw ang reject sa 1,000 na sample ballots na dala ng Holy Family.

Sabi ng NPO yan dahil wala naman ang ibang bidders sa pagbilang ng mga nakapasa na balota.

Ang problema lang sa pangalawang test ay ibang balota ang ti-nest kaysa yung isinumite sa bidding. Ibig sabihin nun, mali ang mga dokumentong isinumite sa bidding?

Di ba sa bidding rules, dapat mga orihinal na dokumento ang gagamitin sa lahat na tests at mga post qualification verifications? Hindi pwedeng magpalit ka ng proposal kapag tapos na ang bidding at nanalo ka na.

Kung mali pala ang isinumite sa bidding, balit nanalo ang Holy Family? Di ba, kahit nanalo na, kung hindi makapasa sa post qualification verification, dapat magkaroon ulit ng bagong bidding?

Iba na talaga kapag gustong panalunin. Alam naman yan ng mga sanay sa bidding sa pamahalan.

Kaya lang akala natin kasi “tuwid na daan” na ang umiiral ngayon at dapat kung ano ang nasa patakaran, yun ang sundin. Dahil kung magkaroon ng palpak, taumbayan ang kawawa.

Hindi dapat kampante si Brillantes kasi ang balita ko magsasampa ng kaso sa Ombudsman ang mga natalong bidders, ang joint venture ng Advance Computer Forms Inc., ASA Colors at ePDS Inc, ang subsidiary ng Philippine Long Distance Telephone Co., at Smartmatic-Total Information Management laban kay NPO Director Emmanuel Andaya at ibang opisyal ng NPO.

Noong isang araw lang, dinala na sa Sandiganbayan ang isang reklamo laban din sa NPO ng isang private printer sa Cebu, si Guillerno Sylianteng ng Ready Forms, na natalo sa bidding ng accountable forms.
Gumawa daw ng “fabricated emergency situation” ang NPO at ibinigay ang kontrata sa JI Printers.But it was okay with NPO.

Nakakapagtaka na hindi nababahala ang Comelec.

Huwag lagyan ng malisya ang litrato ni Teddy Casiño at Imelda Marcos

No collaboration.Teddy Casiño and Imelda Marcos in the 2009 birthday party of Armida Siguion-Reyna and her son, Carlitos.

Tatlong kaibigan ang nagsabi sa akin na kumakalat daw ang litrato ni Rep. Teddy Casiño sa internet na kasama si Imelda Marcos at binibigyan ng masamang kahulugan.

Para bang nakipagsabwatan si Teddy sa mga Marcos na siyang nagpahirap sa mga sinasabi nating “maka-kaliwa” o nga nationalist na katulad ni teddy at ang mga nauna sa kanya na katulad nina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo.

Ang litrato nay an ay galing sa isang post sa aking blog:
http://www.ellentordesillas.com/2009/11/05/armida-and-son-carlitos-birthday-party/

Malisyoso naman ang ganung anggulo.

Ang artikulo ay tungkol sa birthday party nina Armida Siguion-Reyna, kilala sa kanyang programa sa television na “Aawitan Kita” at ang kanyang anak, director ng pelikula na si Carlitos, noong 2009.

Pareho kasi ng birthday si Armida at si Carlitos (Nobyembre 5) at nung taon na yun, malaki ang party sa White Space Exhibition Hall sa Pasong Tamo, Makati.

Sa party kasi ni Armida at Carlitos, iba-iba ang kulay ng mga bisita na nagpapakita lamang na nakikipagsalamuha si Armida sa iba’t-ibang klase ng tao. May mahira, may mayaman. Maraming bisita ang dumarating sakay ng magagarang kotse. Meron din katulad ko, naka-taksi.

Marami siempre ang sa showbiz dahil nasa pelikula, television at musika sila. Marami rin ang nasa pulitika dahil aktibo naman talaga silang mag-ina, lalo na si Armida, sa mga isyu para sa bayan na sakop ng pulitika.

Naala-ala ko nahuli dumating si Imelda Marcos nun at halos wala nang maupuan. Nakita ni Bibeth na may bakante doon sa mesa nina Teddy Casiño kaya doon niya pina-upo si Imelda. Hindi naman magkatabi. Magkaharap sila.

Natawa nga marami. Halatang hindi kumportable si Teddy. Siempre, pambihira ang sitwasyun na yan kaya ko kinunan ng litrato.

Walang sabwatan doon. Hindi ko nga alam kung nag-usap sila ni Imelda maliban sa bati, dahil maggkaharap nga.

Noong nakaraang Linggo, birthday party ulit ni Armida at Carlitos. Ang ganda at elegante ni Armida sa edad na 82. Si Carlitos, 55, sa background lang siya at ang star talaga ay ang ina niya.

Mas maliit ang party noong Linggo kung ikumpara noong 2009.

Heto na naman ang litratuhan. Kasama ko sa mesa ang mga writers na nagpu-protesta laban sa provision ng libel sa Cybercrime Law. Nang dumating si Sen. Tito Sotto (nandun din si dating Pangulong Joseph Estrada at Senate President Juan Ponce-Enrile), sabi namin mag-pakuha kami ng litrato. Si Sotto kasi ay may pakana ng provision ng libel sa Cybercrime law.

Kaya lang, sabi ko baka ma-Teddy Casiño na naman tayo ay sabihin naki-pagsabwatan tayo.

Sabi ng isa, “Sige na pakuha tayo. May caption na ako: ‘The bully and the bullied.’”

Tanong ng isang guest, “Bakit binu-bully ka ba ni Sotto?”

Sagot ng writer, “Hindi. Ako ang nagbu-bully sa kanya.”

Sayang nga at hindi magamit ang caption na yun dahil sa sobra naming kudakan, hindi namin ang pag-alis ni Sotto at kanyang asawang si Helen Gamboa.