Sana hindi na tuluyan sumama sa mga kaluluwa ang pinaghahanap na dating military comptroller retired Maj. Gen. Jacinto Ligot at ang kanyang asawang si Erlinda.
Kawawa naman sana sila kaya lang parang pinapahalagahan naman nila ang perang kanilang ninakaw kaysa ang kanilang pangalan at katahimikan. Kaya ayan,marami nga silang pera, tago na tago naman sila.
Nag-isyu noong isang linggo ng warrant of arrest ang Court of Tax Appeals sa mag-asawang Ligot para isinampang kaso ng Bureau of Internal Revenue.
Sinisingil ng BIR ng P153.3 million sa buwis Ligot kasama na doon ang interest at multa ang mag-asawang sa hindi nila pagdeklara ng kanilang kinita noong 2003.
Umaasa si Justice Secretary Leila de Lima na magpapakita na ang mag-asawang Ligot sa korte at magpiyansa ng P20,000. Kayang-kaya naman nila yan.
Wala raw sa record ng Bureau of Immigration na lumabas ng bansa ang mag-asawa. Yan ay kung hindi sila lumabas ng patago at ilegal na paraan.
Si Ligot ay sangkot sa nabulgar na korapsyun sa military na nagdawit sa isa pang dating military comptroller na si Maj. Gen. Carlos Garcia na ngayon ay nakakulong sa Muntinlupa at ang nagpakamatay na si dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines na si Angelo Reyes.
Marami pang ibang opisyal ang sangkot at ang ilan ay nakasama sa kasong isinampa ng dating budget officer ng militaty na si retired Lt. Col. George Rabusa. Bibigyan sila ng oportunidad na masagot ang akusasyun sa kanila sa korte.
Sa mga nabulgar na aro-arian nila, talagang naman nakakalula ang perang ibinulsa ni Ligot samantalang P360,000 lang ang sweldo niya sa buong taon. Umaabot sa P740 milyun ang kailang pera sa bangko sa iba-ibang accounts.
Ang dami nilang bahay. Dalawa sa California: isa sa South Anaheim at ang isa ay sa Buena Park na nagkakahalaga ng P30 million. Mga lupain sa Malaybalay, Bukidnon na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P5 million.
Dito sa Pilipinas, ang ilang nilang ari-arian ay nasa pangalan ng kapatid ni Mrs. Ligot na si Eduardo Yambao. Meron sa Burgundy Plaza sa Katipunan Road, Quezon City. Meron din sa Essensa East Forbes Tower in Taguig City; isa sa Paseo Parkview Tower 2 at isa pa sa Building MC-14 sa Pamayanang Diego Silang.
Ang masakit dito ay pera yan na sana ay para sa ating mga sundalo na nakipagbakbakan sa mga kaawang ng pamahalaan.
Dahil sa mga katulad ni Ligot, kawawa ang sitwasyun ng ating mga sundalo. Mahinang klase ang kanilang mga gamit- boots, helmet, at iba pa- at kulang ang ating mga eroplano, helicopter at barko para ipagtanggol ang integridad ng ating bansa.
Ang nangyayari sa mga Ligot ay leksyun para sa lahat lalo na sa mga opisyal ng pamahalaan na mali at krimen ang magnakaw ng perang hindi iyo. Maaring makalusot ka sa ilang beses ngunit kapag nahuli ka naman, paano mo mai-enjoy ang kahat na pera na nakamal mo.