Noong isang araw, may nagpunta sa aking bahay at may iniabot na supot.
“Handog po namin ito sa inyo”, ang sabi ng babaeng nagbigay ng supot na plastic na may lamang isang kilo ng bigas, dalawang lata ng sardinas, isang pakete ng kape at apat na pakete ng instant noodles. Kalakip sa supot ang isang papel na naglalaman ng litrato at pangalan ng isang kandidato sa pagka mayor sa aming lugar. Ah, isa itong paraan ng pangangampanya.
Napangiti ako dahil naalala ko noong ako ay nakasama rin sa mga ganitong pangangampanya noong panahong ang aking asawa ay aktibo sa pulitika. Taong 1992 noon at natatandaan ko na synchronized election din ang halalang iyon kung saan tumakbo ang aking mister para sa pagka vice mayor sa kanyang bayan.
Hindi ko akalaing magiging parte ako ng kalakaran ng pulitika. Kahit minsan sa buhay ko ay hindi ko pinangarap na maging bahagi ng magulong labanang ito, pero ako ay napilitan dahil kailangan kong suportahan ang aking mister sa kanyang ambisyong maging opisyal ng bayan.
At ako nga ay nangampanya. Ang akala ko noong una, ang gagawin ko lang ay sasama sa aking mister, kakaway-kaway na ala-Miss Universe, ngingiti, makikipagkamay at mangungumusta sa mga tao. Mali ang aking akala.