Four Season

Pangalawang araw na pala ng Spring, kundi ko pa tinanong yung bos ko hindi ko pa malalaman. Medyo natawa pa nga siya nang sinabi nya yun dahil eto kami napapalibutan pa rin ng yelo at mukhang may darating pa daw na snow sa mga susunod na araw.

Ang bilis ng panahon parang kailan lang ng dumating ako dito, naka sweatshirt ako mula sa Narita, Japan hanggang sa airport na binabaan ko dito sa Canada. Nagpasya akong hubarin ang sweatshirt ko noong lumabas kami para sumakay sa sasakyang sumundo sa akin. Siyang paglabas ko sinalubong ako ng isang malamig na klima, sabi ko sa tiyuhin ko “ano ba yan para kong nasa open space na may centralized aircon,” mas malamig pa sa labas kaysa sa loob ng airport.

Nasa huling yugto na pala ng Spring noon at papalapit na ang Summer. May isang buwan pa bago ko naramdaman iyong sobrang init na siyang kinainisan ko dahil sa akala ko puputi ako dito sa Canada.

Tignan mo nga naman, iniisip ko kanina e nakatatlong season na pala ako rito. Hindi pala apat na season na pala. Naranasan ko ang tila centralized aircon na spring, natikman ng balat ko ang sobrang sakit na init ng araw, namalas ko ang pagpapalit ng mga kulay ng mga dahon sa puno hanggang sa unti-unti itong nalagas at natapakan ko ang mga tone-toneladang yelo sa kalsada na dati iniisip ko lang tikman. Yun nga lang hindi ako nakapag tobagonning, snow mobile, skiing, ice fishing at kung anu-ano pang pwedeng gawin sa ibabaw ng yelo.

Tapos na nga ang maliligayang araw ng animo napakalaking ice factory (puro kinadkad nga lang, walang bloke bloke) at mag-uumpisa ng mamukadkad ang mga bulaklak at magkakaroon ng dahon ang mga puno. Ilang bwan na lang mag-iisang taon na ako dito.

Parang kailan lang…..ang mga pangarap ko’y kahirap abutin…….

Kung ayaw mong maniwala basahin mo to: Dadaanin ko na lang sa kwento, Dadaanin ko na lang sa kwento 2, Epilogue: Speechless, Parang roller coaster.

Leave a Reply