Sabi ko gusto ko ng pagbabago, ibinalita ko na sa pamilya ko na dahil sa laking syudad ako, gusto kong bumalik sa syudad. Naranasan kong limang araw na walang trabaho at naging nakakabato yung limang araw na iyon. Hindi ko magawang lakarin ulit yung madalas kong lakaran sa tuwing lumalabas ako. Nakakasawa na rin yung pabalik-balik ko sa mga maliliit na shopping mall na pinupuntahan ko. Wala rin akong nakikitang bago.
Sabi ko nga sa kapatid ko minsan habang naglalakad ako, isip lang ako ng isip sa gitna ng makakapal na yelo. Pero minsan din wala na kong naiisip. Basta lakad ng lakad na para bang naglalakad sa ulap habang nakasukbit ang mga kamay sa loob ng bulsa ng jacket. O kaya nama’y hinihipan ang mga kamay sa sobrang lamig. Maya-maya napapansin ko nakatapak na pala ang snow boots ko sa yelo na malambot, biglang bagsak na ang boots ko sa tubig. Para bang eksena sa mga Korean novela na ginawa ng winter.
Sabay tawa siya. Alam na alam niya yun dahil fan siya ng mga Korean novela. Marami pang napagkwentuhan na hindi ko na matandaan, akala ko pa man din may photographic memory ako.
Tinanong niya kung may mga kaibigan na ba ako rito, sabi niya baka mawala ang pagkabagot ko kung mayroon nga. Sabi ko wala.
Sabi niya pa paano daw ako magkakaroon ng kaibigan e masyado daw akong unsociable. May split personality ako sabat ko sa kanya. Mahilig akong mag-isa pero kaya kong maki-indayog sa gulo ng iba.
Ang gusto ko lang naman e magkaroon ng konting sigla ang buhay ko dito. Pwede akong lumabas mag-isa, pumunta sa isang maingay na lugar tutal naman iyon ang nakasanayan ko..ang maingay na lugar, pagkatapos pupunta ako sa isang sulok at bubuksan ko ang pahina ng librong binabasa ko. O kaya naman maglakad-lakad (pa rin), pwedeng bitbit bitbit ang pipitsugin kong camera at kukuhanan ng litrato ang mga paa ng mga kasabay kong naglalakad sa kalsada. Nakita ko ang Yonge St. sa Toronto, ang sarap magkukuha ng larawan doon.
Gusto kong iexplore ang syudad, pero minsan nagtatanong ako kung gusto ko nga ba talaga o naimpluwensyahan lang ako ng binabasa kong libro?