Golf club, diary, ibon, pray-over……

Kung kailan sabi ko - sa hindi mabilang bilang na beses na - na maaga na akong matutulog, kailangan mga at least pitong oras na tulog sa isang araw, heto ako alas una beinte sais ng madaling araw at tinatapos ang post na ito.

Hindi ko maiwanan ang napakaganda ang napakasimpleng templeyt na to.  Minimalist.  Malinis sa mata.  Ilang beses na akong nagplano na magpost, kesehodang walang maipost. Parang diary ba.  Ilang beses rin akong nagsimulang gumawa ng diary noon.  Bawat unang pahina, may nakasulat na -heto ako, gumagawa ng diary pero wala namang maikwento- hanggang sa ibaba ko ang mga bolpen ko na muling hahawakan kapag nakaisip ulit na gumawa ng isang diary na pagkatapos ng isang pahina ay isisksik sa isang tabi.

Pagkatapos ng mahabang isang buwan na pagpapahinga, nagpapasalamat ako sa batang ito (tingin ka sa taas plis) na halos ipukpok sa akin yung hawak hawak na golf club.  Nagtatampo dahil sa hindi ko sinunod ang gusto nyang kuhanin yung bird’s nest sa puno.  Hindi ko kinuha, una dahil sa mataas ang pinaglalagyan nito.

Pangalawa, ang sabi ko sa bata, may sariling buhay ang mga ibon kaya hayaan natin silang mabuhay sa sarili nilang buhay.  Respeto kung baga.

Ang sabi niya patay na daw ang mga ibon, iniwan daw ng inahen at hindi na binalikan.  At kung patay na nga ang mga ibon, nararapat lang na ilibing ang mga ito.  Parang noong isang taon, para kaming tanga sa likod bahay na dinasalan ang mga namatay na ibon na itinanim niya sa ilalim ng lupa.

Pri-nay over ko pa nga.

Leave a Reply