Akala ng Malacañang naloko na nila ang mga tao, ano.
Noong Biyernes, kasama pa niya si Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte, inanunsyo ni Pangulong Aquino . Sabi niya “Panahon na po upang i-abolish ang PDAF.”
May ilan na pumalakpak kaagad.
Ngunit kung babasahin o pakinggan mo ng masinsinan ang sinabi ng Presidente, hindi niya aalis ang sistema ng pork barrel na ang paggastos sa isang proyekto at pagpalabas ng pera ay hindi sa paraan na ayon sa nasyunal na plano. Ang pork barrel ay depende sa mga senador o congressman at presidente.
Hahanap daw sila ng bagong paraan. Sabi ni Aquino:“Maghanap ng mas mainam na paraan upang siguruhing ang pera ng taumbayan ay mapunta sa taumbayan lamang.”
Ito pa ang sabi ng Pangulo:
“Ngayon, bubuo tayo ng bagong mekanismo upang matugunan ang pangangailangan ng inyong mga mamamayan at sektor—sa paraang tapat, gamit ang tama at makatuwirang proseso, at nang may sapat na mga kalasag laban sa pang-aabuso at katiwalian.
“Katuwang nina Senate President Frank Drilon at Speaker Sonny Belmonte, sisiguruhin kong bawat mamamayan at sektor ay makakakuha ng patas na bahagi ng pambansang budget para sa serbisyong pangkalusugan, scholarship, proyektong lumilikha ng kabuhayan, at lokal na imprastruktura. Makakapagmungkahi ng proyekto ang inyong mga mambabatas, ngunit kailangan itong idaan sa proseso ng pagbubuo ng budget. Kung maaprubahan, itatalang mga ito bilang mga line item, alinsunod sa mga programa ng Pambansang Pamahalaan. Mapapaloob ito sa batas bilang Pambansang Budget—hihimayin ang bawat linya, bawat piso, bawat proyekto, gaya ng lahat ng iba pang mga programa ng inyong pamahalaan.”
Naloko na. Pareho din pala. Manggaling din si Kongreso ang proyekto at siya ang aapruba. Di lalong mapunta sa kanya ang kapangyarihan sa pork barrel. Lahat ngayon yuyuko sa kanya para maparubahan ang kanilang mga proyekto.
Ang galing talaga ni PNoy at ng kanyang mga advisers. Naramdaman nila ang umiigting ang galit ng taumbayan sa pagwawaldas ng pera na dapat ay sa mga mahihirap. Sa Lunes, maigiipon-ipon ang mga taong sawa na sa panloloko sa kanila sa Rizal Park mula 9 ng umaga. Kaya nagpalabas ng ganitong anunsyo si Aquino.
Hindi naman lahat naloko nila. Sinakyan na lang nga ng iba at nagbigay pa sila ng bagong pangalan. Alisin na ang PDAF (Priority Development Assistance Fund). May suggestions ang Spinbusters: “House Allocation Mechanism (HAM)”. Pwede rin “ Senate Priority Assistance Mechanism (SPAM)” o Priority Initiative of Government (PIG).”
Si Lynda Jumilla ng ABS-CBN, humingi ng mga ideya sa Twitter ng mga pangalan na ipalit sa PDAF at sabi ng isa, BDAF (Benigno Aquino Development Assitance Fund). Mas bagay ito.
Click here for the English version of the President’s announcement.